Heart Evangelista signs up with Regal

Maituturing nang bagong Regal Baby si Heart Evangelista dahil pumirma na siya ng two-year, non-exclusive contract sa Regal Entertainment, Inc.

Nangyari ang pirmahan sa Room 504 ng Imperial Palace Suites sa Quezon City, kagabi, May 24.

Kasama sa pagpirma ni Heart ng kontrata ang Regal owner na si Mother Lily Monteverde, ang anak nito't Regal producer na si Roselle Monteverde-Teo, at ang mommy ni Heart na si Mrs. Cecile Ongpauco.

Si Mrs. Ongpauco na ang nagha-handle ngayon ng career ni Heart matapos na mag-expire ang kontrata ng dalaga sa dati nitong manager na si Annabelle Rama noong April 30.

 HAPPY TO BE A REGAL BABY. Pahayag agad ni Heart, masayang-masaya siya sa pagpirma niya ng kontrata sa Regal. 

"Because siyempre, mabibigyan uli ako ng movie na may drama, may iyakan, may kilig, ganyan.

"It's going to be another experience para sa akin and, of course, I'm happy na makaka-contribute uli ako sa entertainment," ani Heart, sabay pasasalamat kay Mother Lily.

Si Mother Lily naman, sinabing matagal na niyang gustong ma-sign up sa Regal si Heart.

"I'm very lucky today to sign up with Heart because this has been my dream a long, long time ago.

 "This was way back, I think, ten years ago.

"Na talagang it's really my dream that I... I really love her so much," sabi pa ng Regal matriarch.

 Kamakailan lang ay pumirma na rin ng kontrata sa Regal ang boyfriend ni Heart na si Daniel Matsunaga.

Natanong tuloy kung may nakahanda na bang proyekto para sa dalawa.

"Yes, meron kaming movie with Daniel and the other one is a surprise, the third guy," pahayag ni Heart tungkol sa pinaplanong pelikula niya kasama si Daniel at isa pang sinisikreto pang makaka-love triangle nila.

Nilinaw rin ng Kapuso actress na sa paggawa lang ng pelikula ang pinirmahang kontrata niya with Regal. Nakapirma rin kasi siya sa Viva Entertainment.

"Viva are for my endorsements and bookings for events," sabi pa ni Heart.

Ang mga magulang pa rin daw niya ang in-charge sa TV and movie deals.